Isinailalim sa medical examination sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) sa Maynila nitong Martes si Senador Rodante Marcoleta, alinsunod sa utos ng Sandiganbayan kaugnay ng kaniyang kalagayan sa kalusugan.

Ayon sa ulat, dumating si Marcoleta sa ospital na naka-wheelchair at nakasuot ng protective vest. Ipinaliwanag ng Philippine National Police General Hospital (PNPGH) na bahagi ito ng mga ipinatutupad na security measures upang matiyak ang kaligtasan ng senador habang nasa kustodiya ng pulisya. Sinabi rin ng ospital na nakahanda ang mga contingency measures laban sa anumang posibleng banta habang isinasagawa ang kaniyang pagpapagamot.

Nauna nang iniutos ng Third Division ng Sandiganbayan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mga opisyal ng PNPGH na dalhin si Marcoleta sa UP-PGH bandang alas-12 ng tanghali para sa medical examination. Inatasan din ang mga ito na ibalik siya sa PNPGH matapos ang pagsusuri at iharap sa hukuman sa Miyerkules.

Nananatiling nakadetine si Marcoleta kaugnay ng kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y hindi idineklarang P75 milyong campaign donations. Dalawang araw matapos siyang arestuhin, na-diagnose siya ng PNPGH na may mild pneumonia at degenerative disc disease. Gayunman, sinabi ng PNPGH nitong Lunes na natapos na niya ang antibiotic treatment para sa mild pneumonia at itinuturing na siyang ligtas bumiyahe.