Nagkaloob si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng P20 milyong tulong mula sa Socio-Civic Project Fund para sa bayan ng Glan sa Sarangani na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol noong nakaraang linggo.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ipinagkaloob din ng Pangulo ang isang Starlink unit upang mapalakas ang komunikasyon at mapabilis ang relief, recovery at rehabilitation efforts sa lugar.

Nasaksihan din ni Marcos ang pamamahagi ng family food packs, hot meals at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na nagkakahalaga ng tig-P5,000 para sa mahigit 400 benepisyaryo.

Binisita rin ng Pangulo ang Sarangani Provincial Hospital sa Alabel at nagsagawa ng inspeksyon sa mga pasilidad na napinsala ng lindol. Pinangunahan din niya ang turnover ng dalawang patient transport vehicles para sa lalawigan.

Samantala, umabot na sa mahigit 176,000 pamilya ang naapektuhan ng lindol sa Sarangani, habang 65 ang nasawi at higit 1,400 ang nasugatan. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 14 na lungsod at munisipalidad ang nasa ilalim na ng state of calamity.

-- ADVERTISEMENT --