Mariing itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panawagang patalsikin siya dahil sa umano’y mabagal na imbestigasyon sa katiwalian sa mga flood control project, at iginiit na wala itong batayan.

Ayon sa Pangulo, siya ang kauna-unahang naglantad ng mga iregularidad sa mga proyektong flood control, kabilang na ang mga anomalya na umano’y nagsimula pa bago ang kanyang administrasyon. Aminado siyang hindi pa tapos ang imbestigasyon dahil habang lumalalim ang pagsusuri ay mas marami pang katiwaliang natutuklasan.

Sinabi rin ni Marcos na batid na rin noon ng dating administrasyon ang problema sa flood control projects ngunit wala umanong mga opisyal na napanagot. Dahil dito, ipinagpapatuloy aniya ng kasalukuyang pamahalaan ang mga hakbang upang papanagutin ang lahat ng sangkot at baguhin ang sistemang nagbigay-daan sa malawakang korapsyon.

Matatandaang noong Setyembre 2025 ay nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order No. 94 na lumikha sa Independent Commission for Infrastructure upang imbestigahan ang mga kuwestiyonableng flood control projects. Sa ulat ng komisyon, siyam na kaso na ang inirekomenda sa Office of the Ombudsman, 66 katao ang isinangguni sa Department of Justice, at mahigit 6,600 bank accounts na nagkakahalaga ng tinatayang ₱24.7 bilyon ang na-freeze bilang bahagi ng imbestigasyon.