Isinusulong ng ilang mambabatas ang pagtataas ng excise tax sa mga matatamis na inumin dahil sa patuloy na pagdami ng overweight at obese na mga Pilipino, kabilang ang mga bata.

Ayon sa Department of Health at National Nutrition Council, batay sa 2025 survey ng DOST-FNRI, nasa 16% na ang overweight at obese na mga batang edad 5 hanggang 10, mula sa nasa 5% lamang noong 2003.

Sa mga adult na edad 20 hanggang 59, umabot naman sa 43.1% ang overweight at obesity rate noong 2025, mula sa 16.6% noong 1993.

Sinabi rin ng DOH na tinatayang 3,537 pagkamatay at mahigit 143,000 disability-adjusted life years sa Pilipinas noong 2023 ang maiuugnay sa mataas na pagkonsumo ng matatamis na inumin.

Dahil dito, iminungkahi ng ilang mambabatas na itaas ang kasalukuyang ₱6 kada litro na excise tax sa mga inuming may sweeteners sa ₱9 hanggang ₱20. Para naman sa may high-fructose corn syrup, nais itong itaas mula ₱12 hanggang ₱18 hanggang ₱40 kada litro.

-- ADVERTISEMENT --

Iminungkahi rin na isama sa mga papatawan ng buwis ang 3-in-1 coffee at flavored at fermented milk, na kasalukuyang exempted. Suportado ng DOH at Department of Finance ang pagtataas ng buwis.