Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong may obesity, lalo na sa hanay ng mga adulto at kabataan, ayon sa pinakahuling survey ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).

Batay sa 2025 Updating Survey ng ahensya, umakyat sa 44.5 porsyento ang obesity rate ng mga Pilipinong nasa edad 20 hanggang 59 mula sa 39.8 porsyento noong 2023.

Mas mataas ang naitalang kaso sa mga kababaihan, mga nakatira sa urban areas, at mga kabilang sa mayayamang kabahayan.

Pinakamataas ang obesity prevalence sa National Capital Region na may 52.7 porsyento, sinundan ng Cordillera Administrative Region na may 50.6 porsyento at Central Luzon na may 49.6 porsyento.

Naitala rin ang pagtaas ng obesity sa mga kabataang edad 10 hanggang 19, mula 12.5 porsyento noong 2023 hanggang 15.6 porsyento ngayong 2025, o katumbas ng isa sa bawat anim na adolescent.

-- ADVERTISEMENT --

Pinakamarami ang kaso sa Central Luzon, NCR, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Region.

Ayon sa DOST-FNRI, kabilang sa mga salik na nakaaapekto sa pagtaas ng obesity at overweight ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, kakulangan sa pisikal na aktibidad, at mataas na blood pressure.

Lumabas din sa survey na 77.5 porsyento ng mga kabataan ang hindi sapat ang pisikal na aktibidad.

Sa kabila nito, bumaba naman ang kaso ng wasting o matinding pagkapayat sa mga kabataan mula 11.5 porsyento noong 2023 tungo sa 9.6 porsyento ngayong 2025.

Gayunman, nananatiling mataas ang bilang ng stunting o mabagal na paglaki sa 21.4 porsyento, lalo na sa ilang rehiyon sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa.

Isinagawa ang survey mula Abril 2025 hanggang Marso 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 118 lugar sa buong bansa upang masubaybayan ang kalagayan ng nutrisyon at kalusugan ng mga Pilipino.