Nauwi sa trahedya ang masayang videoke session ng dalawang lalaki matapos na isa sa kanila ang namatay at nasugatan ang isa pa sa Gen. Trias, Cavite kagabi.

Ayon sa Region 4A PNP, nag-iinuman at masaya sa pagkanta sa videoke sina James Bryan Luna, 34, at Aldrin Toribio, 19, sa loob ng isang subdivision sa Barangay Santiago ng 11:00 p.m.

Dumating ang isang alyas “Johnson”, “bantay-bayan” volunteer at sinabihan ang mga ito na hinaan ang kanilang videoke dahil nakakabulahaw umano sila sa mga residente sa lugar.

Subalit sa halip na sumunod, nagalit ang dalawa at nagkaroon sila ng pagtatalo.

Nagresulta ang pagtatalo sa suntukan na dahilan para saksakin ni Johnson ang dalawa.

-- ADVERTISEMENT --

Agad na umalis si Johnson matapos ang pananaksak at iniwan ang dalawang sugatan na biktima.

Dinala ang dalawa sa ospital subalit binawian ng buhay si Luna habang nilalapatan ng lunas.

Nagsasagawa na ng manhunt operation ang kapulisan laban kay Johnson.