
Tinangka umano ng mga armadong lalaki na pumasok sa gusali ng Senado bago naganap ang putukan nitong Miyerkules ng gabi, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Sa panayam ng media, sinabi ni Remulla na bandang alas-7:46 ng gabi nang subukang pasukin ng mga armado ang ikalawang palapag ng Senado ngunit agad silang hinarang ng mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA).
Ayon kay Remulla, nagpaputok umano ng warning shot ang OSAA matapos makitang armado ang mga suspek.
Matapos umatras, sinabi ng kalihim na nagpaputok umano nang walang pinipili ang mga armadong lalaki sa ere bago tuluyang tumakas.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung ilan ang mga nagtangkang pumasok sa Senado habang patuloy ang pagsusuri sa CCTV footage ng gusali at mga karatig lugar.
Nagkaroon ng tensyon sa Senado habang naka-lockdown ang gusali kung saan nasa protective custody si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Remulla, inatasan na ang GSIS, Senado, at mga empleyado nito na siguruhing ligtas at mapreserba ang lahat ng CCTV footage bilang bahagi ng imbestigasyon.
Dagdag pa ng kalihim, pangunahing utos umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanya ay tiyakin ang kaligtasan ng mga senador sa gitna ng kaguluhan.
Samantala, itinaas ng Philippine National Police (PNP) sa full alert status ang kanilang hanay habang nilinaw naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang mga sundalong nakita sa loob ng Senado ay mga miyembro ng Marine Security and Escort Group.










