Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na paiigtingin nila ang kampanya laban sa mga hog farm na patuloy na nag-ooperate nang walang tamang permit.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang ganitong operasyon ay nakaaapekto sa supply chain at nagpapaiba-iba sa presyo ng karne ng baboy sa bansa.

Bilang tugon, naglabas ang Bureau of Animal Industry (BAI) ng show cause orders sa siyam na pig farm sa Bulacan, Pampanga, at Tarlac.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel na dapat ipaliwanag ng mga nasabing farm kung bakit sila nagpapatuloy sa operasyon kahit na lumalabag sa mga alituntunin sa kalusugan, kapaligiran, at kaligtasan.

Aniya, ang ganitong mga paglabag ay banta sa pambansang hakbang upang mapatatag ang suplay at presyo ng baboy, lalo na’t patuloy pa ring nararamdaman ang epekto ng African Swine Fever (ASF).

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa niya, alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin ang mga hindi rehistradong pasilidad na sumisira sa food supply system ng bansa.