Tinanggap ng Department of Migrant Workers (DMW) ang responsibilidad matapos mapag-alamang napagpalit ang mga labi ng dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na pinaslang umano ng kanilang employer sa Lebanon.

Nadiskubre ng pamilya ni Rona Jean Gervoso sa Antique na ang bangkay na dumating sa kanila ay hindi sa kanilang kaanak kundi kay Honeylith Zamoras, isa ring OFW na nasawi sa parehong insidente.

Ayon sa DMW, iniimbestigahan na kung paano naganap ang pagkakamali, kabilang ang posibleng pagkukulang ng punerarya sa Beirut.

Tiniyak ni DMW Secretary Hans Cacdac na maayos na maipapadala sa kani-kanilang pamilya ang tamang mga labi sa loob ng linggong ito.

Personal ding humingi ng paumanhin si Cacdac sa mga pamilya at nangakong pananagutin ang mga responsable sa nangyaring pagkakamali.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, may isang suspek na umano’y sangkot sa pagpaslang sa dalawang OFW na nasa kustodiya na ng mga awtoridad sa Lebanon.