Nakahanap ng bagong trabaho sa Greenland ang ilang Overseas Filipino Workers o OFWs matapos makaranas ng problema sa kanilang mga dating employer.

Kabilang dito si Catherine Villamor mula Cebu, na nagtatrabaho ngayon bilang housing attendant sa Ilulissat. Noong 2024, sinabi niyang ikinulong siya umano ng dati niyang employer sa isang kuwarto nang 10 araw nang walang pagkain.

Sa kaniyang bagong trabaho, umabot sa katumbas na ₱115,000 ang kaniyang unang buwang sahod.

Samantala, mahigit 300 Pilipino na umano ang nahire ni Filipino entrepreneur Rose Acero Busaco para sa 25 kumpanya sa Greenland.

Kabilang sa mga natulungan ni Busaco si Micelle Desano, na umuwi sa Pilipinas matapos hindi makumpleto ang 40-oras na workweek sa dati niyang employer. Nakabalik siya sa Greenland at nagtatrabaho ngayon bilang housekeeper.

-- ADVERTISEMENT --

Si Eulogio Ferolino naman, na 30 taon nang OFW, ay nakapagtrabaho rin sa ilalim ni Busaco at nakapagsisimula nang mag-ipon para sa kaniyang retirement at planong bahay.

Ayon kay Busaco, layunin niyang makatulong sa pag-uugnay ng mga Pilipinong naghahanap ng trabaho at mga kumpanyang nangangailangan ng manggagawa sa Greenland.