
Maagang nagtipon ngayong Miyerkules, Mayo 27, 2026 ang mga Pilipinong Muslim sa Quirino Grandstand para sa pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.
Dumating ang mga deboto bago magbukang-liwayway upang dumalo sa panalangin na itinakda alas-6:30 ng umaga, ayon kay GMA News reporter Jhomer Apresto.
Ayon naman sa University of the Philippines Institute of Islamic Studies, ang Eid’l Adha ang pagtatapos ng Hajj pilgrimage sa Mecca at karaniwang ipinagdiriwang sa pamamagitan ng salu-salo at pagbabahaginan.
Kasabay nito, sinuspinde rin ng Metropolitan Manila Development Authority ang number coding ngayong Mayo 27 bilang paggunita sa Eid’l Adha.
Nauna nang idineklara ng Malacañang ang Mayo 27, 2026 bilang regular holiday sa buong bansa para sa pagdiriwang ng Eid’l Adha.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9849, idineklarang pambansang holiday ang ikasampung araw ng Zhul Hijja, ang ika-12 buwan sa Islamic Calendar, bilang paggunita sa Eid’l Adha na may movable date.
Nakasaad din sa batas na ang Eid’l Adha ay pag-alala sa sakripisyo at pagsunod ni Abraham sa Diyos.




