Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) na pananagutin nila sa batas ang nagpakalat ng pekeng pahayag laban sa Iglesia ni Cristo (INC) at mga miyembro nito.

Una rito, pinabulaanan ng NBI ang kumakalat na social media post at umano’y pagbibitiw ng negatibong pahayag ni NBI Chief Melvin Matibag laban sa INC.

Ayon sa NBI, hindi kailanman ginawa ng direktor ang naturang mga pahayag at nanatili ang respeto ni Matibag sa komunidad INC.

Tinawag din ng NBI na isang mapanlinlang at malisyosong kampanya ng disinformation ang kumakalat na post na naglalayong pagwatak-watakin at pahinain ang tiwala ng publiko.

Patuloy din umanong itinataguyod ni Matibag ang propesyunalismo, integridad at pagkakaisa ng iba’t ibang pananampalataya.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, nagsasagawa na ang NBI ng mga hakbang para matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng paggawa at pagpapakalat ng naturang maling impormasyon.

Gagamitin ng NBI ang lahat ng legal remedy laban sa mga sangkot sa post sa social media.