Inihayag ni Senador Erwin Tulfo, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na pagkakaisahan ng mga miyembro ng komite kung ipagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Tulfo, kailangan munang mabuo ang komposisyon ng komite bago makapagpasya kung maglulunsad ng panibagong pagdinig o ipaubaya na lamang sa Office of the Ombudsman ang mga kasong kasalukuyan nitong iniimbestigahan.

Ipinaliwanag ni Tulfo na tatalakayin ng mga miyembro mula sa mayorya at minorya kung kinakailangan pa ang hiwalay na imbestigasyon ng Senado, lalo na sa mga kasong naipasa na sa Ombudsman.

Aniya, ang layunin ng Blue Ribbon Committee ay magsagawa ng imbestigasyon bilang batayan sa paggawa ng batas, habang ang Ombudsman naman ay nagsasagawa ng imbestigasyon para sa posibleng pagsasampa ng kaso.

Idinagdag ni Tulfo na nananatiling bukas ang komite na magsagawa ng sariling imbestigasyon kung may mga bagong personalidad o panibagong impormasyon na madadawit sa usapin.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, inaasahan ding sisiyasatin ng Senado ang mga flood control project sa Taguig na iniuugnay kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.