
Aminado si Senador Erwin Tulfo na nakaramdam siya ng sama ng loob kina Senadora Pia Cayetano, Senadora Camille Villar at Senador Robin Padilla kaugnay ng umano’y naging boto ng mga ito sa petisyon na naglalayong mapatalsik siya sa puwesto.
Kaugnay nito, nag-post ang senador ng isang caricature sa social media na nagpapakita ng tatlong kamay na may hawak na kutsilyo sa kanyang likuran, na may nakasulat na pangalan nina Padilla, Villar at Cayetano.
Gayunman, kinilala ni Tulfo na karapatan ng kanyang mga kapwa senador na magpasya ayon sa kanilang paninindigan.
Matatandaang ibinasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang motion for reconsideration kaugnay ng amended petition for quo warranto laban kay Tulfo dahil hindi na ito naihain sa itinakdang panahon at hindi rin nasunod ang mga rekisito sa paghahain at paghahatid ng mga dokumento sa ilalim ng 2020 SET Rules.
Sa orihinal na petisyon, kinuwestiyon ang pagiging kuwalipikado ni Tulfo bilang senador dahil sa mga alegasyong hindi siya tunay na mamamayang Pilipino, kabilang siya sa isang political dynasty, at kulang umano siya sa kinakailangang akademikong kwalipikasyon.









