Mananatili sa kanilang area of responsibility ang 17th Infantry Battalion o 17th IB sa kabila ng pagtutok ngayon ng 5th Infantry Division ng Philippine Army sa territorial defense.

Ito ang tiniyak ni Major General Gulliver Sineres, Commanding Officer ng 5th ID, kasabay ng pagdiriwang ng ika-54 na founding anniversary ng 17th IB nitong araw ng Sabado sa Headquarters nito sa Brgy. Bangag, Lal-lo, Cagayan.

Sa kaniyang talumpati, binigyang diin ni Sineres na hindi nangangahulugan ang pagtutok sa territorial defense na isasantabi na ang kampanya kontra-insurhensiya, bagkus ay patuloy na pananatilihin ang mga nakamit na tagumpay habang pinapalakas ang kakayahan ng mga sundalo laban sa posibleng external threat.

Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagpapatuloy ng Community Support Program o CSP sa mga barangay, pagsasagawa ng mga pagsasanay at pagpapalakas ng koordinasyon sa mga kinauukulang ahensiya at stakeholder.

Pinalalakas din ang kakayahan ng mga batalyon, reserve force at CAFGU upang maging handa sa mga posibleng banta sa seguridad ng bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin din ni Sineres ang kahalagahan ng matibay na ugnayan ng militar sa iba pang yunit at sa mga lokal na pamahalaan, na mahalagang katuwang sa matagumpay na pagpapatupad ng territorial defense.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang opisyal sa mga stakeholder ng 17th IB at sa buong hanay ng 5th ID sa patuloy na suporta at pakikipagtulungan ng mga ito.

Kasabay ng pagbati sa patuloy na pagsisikap ng batalyon na palakasin ang kanilang puwersa, hinimok din niya ang pamunuan ng 17th IB sa pangunguna ni Lieutenant Colonel Alfie Sagario na mamuno nang may integridad, maghanda nang may malinaw na layunin at maglingkod sa komunidad nang may paggalang at malasakit.

Samantala, binigyan ng pagkilala sa nasabing pagdiriwang ang mga stakeholder na patuloy na tumutulong at sumusuporta sa mga programa ng 17th IB.

Dumalo rin sa okasyon ang kinatawan ni Cagayan Governor Edgar Aglipay at si Vice Governor Manuel Mamba.