Iminungkahi ng Department of Budget and Management (DBM) ang ₱1.62 bilyong pondo para sa Expanded National Greening Program (NGP) sa ilalim ng panukalang ₱7.2 trilyong pambansang badyet para sa 2027.

Mas mataas ito nang 186.32 porsiyento kumpara sa ₱565 milyong inilaan para sa programa ngayong 2026 sa ilalim ng General Appropriations Act.

Ayon sa DBM, gagamitin ang pondo sa pagtatanim, pagpapanatili at pagprotekta sa 18,645 ektarya ng kagubatan at iba pang angkop na lupain sa buong bansa.

Bahagi ang naturang alokasyon ng panukalang ₱29.47 bilyong badyet ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa 2027, na mas mataas nang 4.24 porsiyento kumpara sa ₱28.27 bilyong aprubadong badyet nito ngayong taon.

Binigyang-diin ng DBM na mahalaga ang pangangalaga sa kagubatan dahil nakatutulong ang mga ito sa pagpigil sa soil erosion at pagbaha, pagprotekta sa biodiversity at pagsipsip ng carbon emissions.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi lamang pagtatanim ng mga puno ang saklaw ng programa, kundi pati ang patuloy na pagpapanatili at pagprotekta sa mga lugar na muling pinagtamnan upang matiyak ang pangmatagalang benepisyo ng reforestation.

Inaasahan ding magbibigay ang programa ng kabuhayan sa mga komunidad sa kabundukan at kapatagan, kabilang ang mga katutubo, habang hinihikayat ang kanilang pakikilahok sa pangangalaga at napapanatiling pamamahala ng kagubatan.