
Isang graft complaint ang inihain sa Office of the Ombudsman laban kay Laguna Governor Sol Aragones at ilang opisyal ng pamahalaang panlalawigan kaugnay ng implementasyon ng libreng review program para sa mga kukuha ng pagsusulit.
Inihain ang reklamo nina Laguna Board Members Lorenzo Zuñiga Jr., Karla Adajar at Princess Lajara, kasama si Calamba City Councilor Niño Lajara.
Sentro ng reklamo ang umano’y P15,500 na inilaan sa bawat benepisyaryo ng programa.
Ayon sa mga nagreklamo, ipinapasa ng mga benepisyaryo ang naturang halaga sa pribadong review center, kaya kinukuwestiyon nila kung dapat itong dumaan sa kaukulang proseso ng government procurement.
Kuwestiyon din ng mga complainant ang umano’y pagpapatupad ng programa sa kabila ng mga naging gabay ng Provincial Legal Services Office at mga kondisyon sa awtorisasyong inilabas ng Sangguniang Panlalawigan.
Ipinababatid din sa Ombudsman ang alegasyon hinggil sa mga dokumentong isinumite ng ilang benepisyaryo, kabilang ang diploma at certificate of indigency.
Samantala, nauna nang itinanggi ni Aragones ang alegasyon ng iregularidad at iginiit na ang P15,500 ay nakalaan para sa bayad sa review center at hindi personal na allowance ng mga benepisyaryo.
Mariin ding kinondena naman ni Aragones ang pagpapakalat umano sa social media ng graft complaint bago pa makatanggap ang kanyang kampo ng opisyal na kopya nito.
Ayon kay Aragones, hindi pa nila natatanggap ang formal complaint kaya hihintayin muna nila ang dokumento upang masuri ito ng kanilang legal team.
Tinawag din ng gobernador na may “masamang layunin” at layong manira ng reputasyon ang pagpapakalat ng reklamo, at sinabing nakakalungkot na nauuna umano ang ganitong uri ng pamumulitika kaysa sa paglilingkod.
Nanindigan si Aragones na hindi nila isasakripisyo ang kanilang integridad at pananagutan sa pampublikong paglilingkod.
Sinabi rin niyang maglalabas sila ng buo at formal na pahayag kapag natanggap at nasuri na nila ang reklamo sa tamang proseso at legal forum.









