Pinasinungalingan ni Sen. Erwin Tulfo ang naunang pahayag ni Sen. Pia Cayetano na wala man lang nangumusta sa mga senador na naipit sa kasagsagan ng gulo sa Senado noong Mayo 13, 2026.

Unang inilabas ni Sen. Pia Cayetano ang naturang impormasyon kung saan pinuna niya na kahit dekada na niyang kilala ang ilan sa mga kapwa senador ay hindi man lang sila nangumusta noong kasagsagan ng kagulugan.

Pero ayon kay Sen. Erwin, magkakasunod na nagpahayag ng pagkabahala ang mga miyembro ng minority noong nagaganap at ilang minuto matapos maganap ang shootout.

Kabilang aniya sa mga senador na nangumusta sa sitwasyon ng majority bloc members ay sina Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Bam Aquino, Sen. Sherwin Gatchalian, at iba pang miyembro ng bagong minorya.

Maging siya mismo ay nagpahayag din ng suporta sa mga kapwa senador na naiwan sa loob ng Senate compound. Naipadala umano niya ang mensahe, ganap na alas-9:50 ng gabi.

-- ADVERTISEMENT --

Sa katunayan, nag-alay din umano siya ng dasal para sa kanila, dahil nataon na nagpunta siya sa Baclaran Church noong gabing naganap ang pamamaril.

Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng kumpiyansa si Sen. Tulfo sa gugulong na imbestigasyon ng Senate Committee of the Whole.

Aniya, mas mainam na ang naturang komite ang magsagawa ng pagsisiyasat dahil tiyak na lahat ng mga miyembro ng mataas na kapulungan ay may kaniya-kaniyang katanungan sa kontrobersyal na pamamaril sa loob ng Senate compound.