
Nagbabala ang NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan na agad na sisibakin sa serbisyo ang sinumang pulis na mapatutunayang nangongotong o tumatanggap ng protection money. Hinikayat din niya ang publiko na tigilan ang pagbibigay ng iligal na bayad at iulat ang mga abusadong pulis sa kinauukulan.
Inihayag ni Calinisan ang babala kasabay ng paghahain ng reklamo ng transport group na Manibela at ng pamilya ng isang pinaslang na public utility jeepney driver laban kay Police Executive Master Sergeant Edwin Figueroa. Ayon sa reklamo, umano’y utak si Figueroa sa pagpatay sa drayber matapos itong tumangging magbigay ng iligal na koleksiyon o butaw.
Inatasan ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan ang Inspection, Monitoring, and Investigation Service na pabilisin ang imbestigasyon at tiyaking maresolba ang kaso sa loob ng 60 araw. Binigyang-diin din niya na bahagi ito ng mas pinaigting na kampanya ng Napolcom laban sa mga tiwaling miyembro ng Philippine National Police.










