
Tinanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang standing courtesy resignation ni National Security Adviser Eduardo Año, matapos itong magbitiw sa pwesto.
Sa briefing, inanunsyo ni Palace Press Officer Claire Castro na magre-retire na si Año sa public service matapos ang ilang dekadang serbisyo sa gobyerno at militar.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Año na nagpasya syang tuluyang magretiro simula ngayong araw, April 16, 2026 dahil sa health reasons.
Nagpasalamat din si Año sa Pangulo sa tiwalang ibinigay sa kanya, gayundin sa kanyang mga kasamahan sa pamahalaan at security sector.
Kasabay nito, itinalaga ng Pangulo si Eduardo Oban Jr. bilang bagong National Security Adviser.
Si Oban ay dating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1979.
Mayroon din syang malawak na karanasan sa military operations, defense planning, at national security, kabilang ang pagiging Deputy Chief of Staff for Plans o J5 at pinuno ng Visiting Forces Agreement Commission.
Ayon sa Malacañang, inaasahang magpapatuloy ang mga national security efforts ng pamahalaan sa ilalim ng bagong liderato.










