
Bumuo na ng tracking teams ang National Bureau of Investigation (NBI) para umano sa pagpapatupad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, tinututukan ngayon ng mga awtoridad ang tatlong posibleng lokasyon kung saan maaaring naroroon ang senador. Gayunpaman, hindi pa tiyak kung kailan isasagawa ang posibleng pag-aresto dahil patuloy pa ang operasyon at intelligence gathering.
Sinabi ni Matibag na humingi na rin sila ng tulong sa iba pang ahensya at personalidad sa intelligence network upang mas mapalakas ang monitoring sa kaso.
Ipinahayag din ng NBI na agad nilang inihanda ang tracker teams matapos maglabas ng kautusan ang Department of Justice (DOJ) para ipatupad ang anumang utos ng ICC.
Ayon pa sa NBI chief, may opsyon si Dela Rosa na kusang sumuko, bagama’t naniniwala siyang malabong mangyari ito.
Samantala, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na wala pang opisyal na kumpirmasyon ang Malacañang tungkol sa mga bagong warrant, ngunit hindi umano ito nakapagtataka kung sakaling magkaroon pa ng karagdagang mga akusado sa kaso.
Binigyang-diin din ni Matibag na ipatutupad ng gobyerno ang anumang legal na utos mula sa ICC alinsunod sa umiiral na batas, at hinikayat ang mga posibleng isama sa kaso na kusang sumuko sakaling magkaroon ng warrant.




