Binatikos ni Atty. Levito Baligod ang National Bureau of Investigation (NBI) dahil ipapatawag ulit ang mga nagpakilalang 18 ex-Marines sa kanilang ahensya bukas, June 10, 2026.

Aniya, tila pumapapel o nagpapakitang gilas lamang si NBI Director Melvin Matibag sa naturang imbestigasyon, lalo na’t ilang beses nang sumailalim sa identity verification ang kanyang mga kliyente.

Binigyang diin ng abogado na tatlong beses nang dumaan sa parehong proseso ang mga testigo ngunit muli na naman silang pinapaharap, bagay na aniya’y nakakapagdulot na ng pagod at hindi na makatuwiran.

Meron na umanong hiwalay nang takbo ang kaso sa Office of the Ombudsman, kung saan nakikipagtulungan umano ang kanyang mga kliyente, kaya’t para sa kanya ay tila nakikisawsaw na lamang ang NBI sa usapin.

Bukod dito, inakusahan pa niya si Matibag na kumikilos umano bilang isang “political operator” kaysa isang imbestigador, at sinasabing gumagamit ng mga taktika upang lituhin ang publiko at kuwestiyunin ang kredibilidad ng mga testigo.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ang sinabi ng abogado matapos nilang dumalo sa preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kasong cyberlibel na isinampa ni Sen. Antonio Trillanes IV laban sa grupo.

Present din ang dating Senador, na una na ring sinabing magsasampa siya ng panibagong kaso matapos ang pinakahuling pahayag ng mga ito sa naging Senate Blue Ribbon Committee na pinamunuan ng kampo ni Sen. Alan Cayetano.