
Hindi nagpapaapekto ang National Bureau of Investigation (NBI) sa tinawag na “minion” ni Senador Alan Peter Cayetano kay NBI Director Melvin Matibag, at iginiit na magpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyekto para sa 2019 Southeast Asian Games.
Sa pahayag ng NBI, sinabi nitong hindi nito papatulan ang mga bansag at sa halip ay mananatiling nakatuon sa ebidensya, mga dokumento, at batas.
Nagsimula ang tensyon matapos sabihin ni Cayetano na ang imbestigasyon ng NBI ay bahagi umano ng panggigipit sa kanya, lalo’t siya ang dating chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC)
Ayon sa NBI, layunin ng kanilang pagsisiyasat na malaman kung paano ginamit ang bilyon-bilyong pondong pampubliko na inilaan sa mga proyekto ng 2019 SEA Games.
Binigyang-diin ng ahensya na walang pinapanigan ang kanilang imbestigasyon at walang sinumang awtomatikong itinuturing na may sala, ngunit lahat ng may impormasyon ay hinihikayat na magsumite ng ebidensya.









