Nakikiisa na rin ang National Bureau of Investigation o NBI sa imbestigasyon sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School na ikinasawi ng dalawang estudyante.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Philippine National Police na unang nag-iimbestiga sa insidente.

Sinisilip din ng NBI kung may kaugnayan ang pamamaril sa iba pang insidenteng naganap sa mga paaralan.

Sinabi ni Matibag na kailangang siyasatin ang buong pangyayari bago matukoy kung may pananagutan ang pamunuan ng paaralan.

Nangyari ang pamamaril nitong Martes, kung saan umakyat umano sa ikalimang palapag ng paaralan ang Grade 8 student na suspek at kalaunan ay kinitil ang sariling buhay.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Hunyo, isang magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City ang ikinasawi rin ng tatlong katao.