
Itinuring ng National Bureau of Investigation o NBI na “armed and dangerous” si Sen. Ronald dela Rosa habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad para ihain ang arrest warrant mula sa International Criminal Court o ICC laban sa senador.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, bahagi umano ng standard precaution ng ahensya ang pagturing sa mga subject ng warrant bilang posibleng armado upang matiyak ang kaligtasan ng mga operatiba.
Sinabi ni Matibag na naging bahagi rin ng kanilang assessment ang mga footage na nagpapakita kay Sen. Ronald dela Rosa na umaalis sa Senado na may kasamang may bitbit na mga duffle bag, na nagdulot umano ng hinalang maaaring may dalang armas.
Dagdag pa ni NBI Director, naging factor din sa kanilang pag-iingat ang nangyaring insidente ng putukan sa Senado kamakailan, na nagpapakita umano ng posibilidad na armado ang subject ng warrant.
Nilinaw rin ni Matibag na walang umiiral na proseso kung saan maaaring ihain ang arrest warrant sa pamamagitan lamang ng legal counsel ng respondent.
Ang pahayag ay tugon sa mungkahi ng abogado ni Sen. Ronald dela Rosa na si Jimmy Bondoc na maaaring sa abogado na lamang ihain ang warrant ng ICC.









