Maglalabas ng subpoena ang National Bureau of Investigation o NBI laban kay Nancy Dela Rosa, asawa ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, at iba pang huling nakasama ng senador bago ito umalis sa protective custody ng Senado.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, kabilang sa pinagpaplanuhang padalhan ng subpoena ang asawa ng senador matapos itong magbigay ng pahayag sa online news hinggil sa umano’y pagtakas ni Dela Rosa noong Mayo 13. Inihahanda na rin umano ng NBI ang subpoena ngayong araw.

Patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad si Dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court o ICC laban sa kanya kaugnay ng kasong crimes against humanity. Sinabi rin ng NBI na nananatiling fugitive from justice ang senador habang nagpapatuloy ang operasyon upang siya ay maaresto.