Aasahan ng mga customer ng Negros Electric and Power Corporation (Negros Power) ang mas mababang singil sa kuryente ngayong Mayo matapos magpatupad ng bawas-singil ang kumpanya.

Ayon sa Negros Power, bumaba sa P11.3808 kada kilowatt-hour (kWh) ang residential electricity rate ngayong buwan mula sa P12.2463 kada kWh noong Abril.

Sinabi ng kumpanya na pangunahing dahilan ng pagbaba ng singil ang mas mababang generation at transmission charges.

Malaki rin umano ang ibinaba ng singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), kasunod ng state of national energy emergency na idineklara sa ilalim ng Executive Order No. 110 dahil sa pandaigdigang problema sa suplay ng langis at pagtaas ng presyo nito.

Bukod dito, pansamantalang sinuspinde ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang GEA-ALL charge para sa billing period ng Mayo at Hunyo 2026.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Negros Power president at CEO Roel Castro, layunin nilang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng kuryente habang sinisiguro ang maayos at matatag na serbisyo.