Humiling ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng precautionary hold departure order laban kay Senador Rodante Marcoleta, dating Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor, at dalawang negosyante kaugnay ng umano’y P75 milyong campaign donation para sa kandidatura ni Marcoleta noong 2025 Senate elections.

Batay sa abiso ng Sandiganbayan, inihain nitong Lunes, Mayo 25, ang kahilingan ng Ombudsman at napunta ito sa Seventh Division ng anti-graft court.

Kasama rin sa inirereklamo sina negosyanteng Joseph Varias Espiritu at Aristotle Baluyut Viray matapos irekomenda ng mga field investigator ng Ombudsman ang pagsasampa ng kasong plunder at indirect bribery laban sa mga ito.

Ayon sa rekomendasyon ng mga prosecutor ng Ombudsman, dapat umanong managot sa kasong kriminal si Marcoleta at ang mga kasama nito dahil sa pagtanggap umano ng kabuuang P75 milyong campaign donation na ibinigay sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon.

Gayunman, wala pang inilalabas na pinal na resolusyon ang Office of the Ombudsman para aprubahan ang rekomendasyon ng mga imbestigador nito.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kanyang privilege speech noong Lunes, sinabi ni Marcoleta na may bahid pulitika umano ang mga reklamong isinampa laban sa kanya.