
Iniutos ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang muling pagsusuri sa kasong may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa pagtatayo ng sports facilities para sa 2019 Southeast Asian Games.
Ayon kay Remulla, ipinakuha na niya ang mga rekord ng kaso na unang ibinasura noong 2021 dahil sa kakulangan ng ebidensya upang muling tingnan ang posibleng paglabag sa batas.
Kabilang sa mga nasangkot sa naunang reklamo si Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, na noon ay namuno sa Bases Conversion and Development Authority na nangasiwa sa pagtatayo ng New Clark City.
Ginawa ng Ombudsman ang hakbang matapos ihayag ng National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag na iimbestigahan din ng NBI ang umano’y anomalya sa mga pasilidad ng SEA Games.
Samantala, sinabi ni Remulla na pag-aaralan muna nila ang mga naunang rekord bago tukuyin kung sinu-sino ang posibleng sangkot sa imbestigasyon.










