Sisimulan na ng Office of the Ombudsman ang preliminary investigation sa reklamong plunder at paglabag sa Anti-Money Laundering Act laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa mga flood control project.

Sa isang briefing nitong Lunes, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na maghahain ang Ombudsman ng dalawang magkahiwalay na reklamo para sa preliminary investigation laban kay Romualdez, negosyanteng si Elizaldy Co, at mahigit 10 iba pang indibidwal.

Ayon kay Clavano, lumabas sa fact-finding investigation na si Romualdez ang umano’y “central figure” sa iskema ng paglihis ng pampublikong pondo na nakalaan para sa mga flood control project.

Nilinaw naman ng Ombudsman na ang pagsisimula ng preliminary investigation ay hindi nangangahulugang napatunayang nagkasala ang mga respondent, kundi indikasyon lamang na may sapat na ebidensiyang nakalap upang magsagawa ng pormal na imbestigasyon.

Inaasahan ding maglalabas ang Ombudsman ngayong linggo ng kautusan para sa paghahain ng counter-affidavit nina Romualdez at ng iba pang respondent.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Clavano, may 60 araw ang itinakdang panahon para sa preliminary investigation alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

Sinabi rin ni Clavano na nagsimula ang imbestigasyon sa mga sinumpaang salaysay ng walong dating security personnel ni Elizaldy Co, na nagsabing naghatid umano sila ng pera sa ilang opisyal ng pamahalaan, kabilang si Romualdez.

Aniya, sinuportahan ang mga testimonya ng iba pang ebidensiya, kabilang ang mga rekord mula sa money exchange companies, bank transfers, at mga shell company na umano’y may kaugnayan sa dating House Speaker.

Iginiit ng Ombudsman na nananatiling matibay ang kaso kahit bawiin pa ng mga testigo ang kanilang mga pahayag dahil sa iba pang nakalap na dokumento at testimonya.