
Inaasahang aprubahan ng OPEC+ ngayong Linggo ang panibagong pagtaas sa oil production target simula Agosto, ayon sa mga source na may kaalaman sa usapin.
Layunin nitong dagdagan ang suplay ng langis sa pandaigdigang merkado habang bumababa ang presyo ng krudo kasunod ng unti-unting pagbubukas ng Strait of Hormuz para sa oil exports.
Ayon sa mga source, nakatakdang dagdagan ng grupo ang produksiyon ng 188,000 barrels kada araw sa Agosto, kasunod ng kaparehong pagtaas noong Hunyo at Hulyo.
Mula Abril hanggang Hulyo, halos 800,000 barrels kada araw na ang nadagdag sa production quota ng pitong pangunahing miyembro ng OPEC+.
Bagama’t bumalik na sa halos 72 US dollars kada bariles ang presyo ng Brent crude, patuloy na hinaharap ng OPEC+ ang mga hamon sa suplay at produksyon, kabilang ang pag-alis ng United Arab Emirates sa grupo at panawagan ng Iraq para sa mas mataas na production quota.










