Naiulat na na-deface o napasok ng mga hacker ang opisyal na website ng House of Representatives nitong Sabado, ilang araw matapos ding makaranas ng cyberattack ang website ng Senado.

Isang grupo ng mga hacker ang umako sa insidente at nag-iwan ng mensahe sa website bilang pagpapahayag umano ng protesta laban sa korapsyon sa gobyerno.

Sa inilagay na mensahe, sinabi ng grupo na ang korapsyon ay hindi lamang pagnanakaw ng pera kundi pagnanakaw din ng oportunidad, katarungan, at tiwala ng mamamayan.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang House of Representatives hinggil sa lawak ng pinsalang dulot ng insidente at kung may naapektuhang sensitibong datos.

Noong Huwebes, na-deface rin ang opisyal na website ng Senado sa hiwalay na cyberattack.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, sinabi ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na hindi dapat ituring na hiwalay na insidente ang mga naturang pag-atake dahil bahagi umano ito ng lumalalang banta sa mga institusyon ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang pag-atake sa mga sistema ng gobyerno ay isang krimen at dapat managot ang mga nasa likod nito alinsunod sa batas.

Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kaugnay ng naunang paglabag sa seguridad ng website ng Senado, habang sinusuri rin ang mga kahinaan sa cybersecurity ng mga sistema ng pamahalaan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.