
Binatikos ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima ang tangkang pag-aresto ng pulisya sa dalawang photojournalist na nagko-cover ng isang kilos-protesta sa Pasay City kamakalawa.
Ayon kay De Lima, hindi katanggap-tanggap ang naging aksyon ng mga awtoridad dahil malinaw na ginagampanan lamang ng dalawang photojournalist ang kanilang tungkulin bilang mamamahayag at hindi dapat hinahadlangan sa kanilang trabaho.
Sinabi rin ng mambabatas na bukod sa umano’y pagkasira ng kagamitan ng dalawang photojournalist, mas nakababahala ang maaaring idulot nitong takot sa hanay ng media at ang epekto nito sa malayang pamamahayag.
Dahil dito, muling nanawagan si De Lima para sa agarang pagpasa ng Journalists’ Welfare and Protection Act. Aniya, mahalagang maprotektahan ang mga mamamahayag at iba pang media practitioners dahil sila ay nagsisilbing tagapaghatid ng katotohanan, at ang paggalang sa kanilang karapatan ay mahalagang bahagi ng isang demokratikong lipunan.










