Pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad ng paghahain ng ikalawang arbitration case kaugnay ng West Philippine Sea (WPS) sa gitna ng patuloy na presensya ng mga Chinese assets sa lugar, ayon sa isang maritime expert.

Ayon kay maritime expert Jay Batongbacal, kasalukuyang tinitingnan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang mga posibleng legal na hakbang upang muling dalhin sa international tribunal ang isyu laban sa China.

Giit niya, mahalagang matiyak na may matibay na basehan ang anumang panibagong kaso upang mapalakas ang tsansang manalo, gaya ng naging tagumpay ng Pilipinas sa unang arbitration case.

Ang pahayag ay ginawa kasunod ng mga ulat hinggil sa presensya ng isang Chinese floating platform, buoy, at antenna sa Bajo de Masinloc sa loob ng ilang linggo, pati na rin ng dalawang Chinese research vessels sa nasabing lugar.

Binigyang-diin ng Philippine Coast Guard na patuloy ang monitoring sa sitwasyon, habang iginiit ng mga eksperto na ang Bajo de Masinloc ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at nasa loob ng West Philippine Sea.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Batongbacal, kailangang kumuha ng pahintulot ang sinumang banyagang entity bago magsagawa ng marine scientific research sa loob ng saklaw ng Pilipinas, at maaaring saklawin ng batas ang pag-alis o pagkumpiska ng mga ilegal na istruktura.

Samantala, nagbabala ang Philippine Navy sa tinatawag nitong “creeping invasion,” kung saan unti-unting naaapektuhan hindi lamang ang teritoryo kundi pati ang ekonomiya, seguridad, at iba pang aspeto ng bansa.

Patuloy ding mino-monitor ng mga awtoridad ang mga ulat ng pagbebenta ng mga property sa mga baybaying bahagi ng Palawan na nakaharap sa West Philippine Sea, na maaari umanong may kaugnayan sa lumalawak na aktibidad sa rehiyon.