Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagsabay ng Habagat at tinatawag na “Super El Niño” mula Hunyo hanggang Agosto ngayong taon.

Ayon kay Ana Liza Solis, may 92% posibilidad na magdulot ito ng mas malalakas at mas madalas na pag-ulan dahil sa mas pinaigting na southwest monsoon.

Ipinaliwanag din ng PAGASA na bagama’t mas kaunti ang bagyong pumapasok sa bansa tuwing El Niño, mas mapaminsala naman ang mga ito dahil sa matitinding hangin at buhos ng ulan.

Nagbabala rin ang ahensya na posibleng makaranas ng matinding tagtuyot pagsapit ng huling bahagi ng taon hanggang unang quarter ng susunod na taon, na maaaring makaapekto sa suplay ng pagkain at agrikultura.

Dahil dito, hinimok ng PAGASA ang national at local government units na paghandaan ang posibleng pagbaha, landslide, at epekto ng matagal na dry spell sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --