Inaasahang babagal sa unang pagkakataon sa loob ng limang taon ang pagdaragdag ng kapasidad ng malinis na enerhiya sa buong mundo ngayong 2026 dahil sa kakulangan ng transmission networks at mga hadlang sa kalakalan.

Ayon kay International Renewable Energy Agency Director-General Francesco La Camera, isa sa mga pangunahing dahilan ang hindi pagtutugma ng kapasidad sa paglikha ng kuryente at kakayahan ng mga grid na maghatid at mamahagi nito.

Bagama’t patuloy ang pagdami ng solar at wind energy installations mula 2021, bumagal ang paggamit ng renewable energy sa China dahil sa limitasyon ng kanilang power grid.

Noong 2025, umabot sa rekord na 692 gigawatts ang nadagdag na kapasidad mula sa malinis na enerhiya sa buong mundo, kabilang ang hydropower, na nagdala sa kabuuang kapasidad sa 5,149 gigawatts.

Mahalaga ang pagpapalawak ng renewable energy upang mabawasan ang emisyon at mapababa ang gastos sa kuryente.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, kailangan ding palakasin ang mga imprastraktura para sa paghahatid at pamamahagi nito upang masulit ang nalilikhang malinis na enerhiya.