
Pinag-aaralan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at Taiwan-based renewable energy company na Green Opal Co., Ltd. ang panukalang Solar PV at Battery Energy Storage Smart Microgrid Project upang mapalawak ang access sa kuryente sa mga isla at liblib na komunidad sa lalawigan.
Sa pulong noong Nobyembre 24, 2026, inilahad nina Rowel Alameda at Aaron Wun ng Green Opal ang kanilang mga teknolohiya at karanasan sa solar energy installations sa Taiwan, kabilang ang rooftop, ground-mounted at floating solar systems.
Tinalakay rin ang paggamit ng mga sistemang kayang lumikha at mag-imbak ng kuryente para sa mga komunidad na konektado o hindi konektado sa pangunahing power grid.
Kung maisasakatuparan, posibleng maging unang proyekto ng Green Opal sa Pilipinas ang naturang inisyatiba.
Bilang susunod na hakbang, nakatakdang magsagawa ng panibagong pagpupulong kasama si Governor Edgar “Egay” Aglipay upang isumite ang mga opisyal na dokumento at iba pang detalye ng panukala.
Bahagi ang proyekto ng layunin ng pamahalaang panlalawigan na makahikayat ng pamumuhunan at makapaghatid ng malinis at maaasahang suplay ng kuryente, partikular sa mga komunidad na limitado ang access sa elektrisidad.










