Nanguna ang Pilipinas sa bilang ng mga ipinatupad na renewable energy policies sa anim na pangunahing ekonomiya sa Southeast Asia mula Pebrero hanggang Agosto 2026, ayon sa isang pag-aaral ng Zero Carbon Analytics.

Batay sa pag-aaral, 13 clean energy policies ang ipinakilala ng Pilipinas sa naturang panahon—pinakamarami kumpara sa Indonesia, Malaysia, Thailand, Singapore at Vietnam.

Ayon sa research group, kabuuang 37 clean energy policies ang inihayag ng anim na bansa habang nakararanas ng matinding volatility ang presyo ng langis dahil sa krisis sa Strait of Hormuz.

Kabilang sa mga hakbang ng Pilipinas ang panukalang Sariling Kuryente Act, pagpapabilis sa pagpasok sa grid ng hindi bababa sa 250 megawatts na solar capacity, pag-require ng energy storage systems para sa mga bagong renewable energy developers, at pagpapalawak ng paggamit ng electric vehicles.

Gayunman, nakapagtala rin ang bansa ng siyam na fossil fuel-focused policies, kabilang ang pagpapabilis sa hanggang 5 gigawatts na coal capacity at pagtatatag ng kauna-unahang government-managed Strategic Petroleum Reserve.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, kabuuang 22 energy policies ang naitala sa Pilipinas mula nang magsimula ang krisis, na aniya ay maaaring maiugnay sa idineklarang national energy emergency noong Marso 24, 2026.

Samantala, sinabi ng Zero Carbon Analytics na sa anim na bansang sinuri, mas marami ang short-term clean energy policies kaysa fossil fuel policies, habang apat-sa-isa naman ang lamang ng mga long-term renewable energy at electrification initiatives.