
Iminungkahi ng isang mahistrado ng Korte Suprema na mas higpitan ang pagbabantay sa mga proyekto ng pamahalaan para matiyak na nagagastos nang tama ang mga pondo.
Sa pagpapatuloy ng oral arguments sa mga petisyong kumukuwestiyon sa unprogrammed appropriations sa mga nakalipas na taon, sinabi ni Associate Justice Raul Villanueva na mainam na suriin mabuti ang mga resibo sa mga proyekto gaya ng flood control.
Partikular dito ang mga progress billing na basehan sa paglalabas ng pondo para sa mga infrastracture project at kung ilang porsyento nang tapos.
Sinabi naman ni Solicitor General Darlene Berberabe na kumakatawan sa gobyerno bilang respondents sa mga petisyon na maraming batas na umiiral para tiyaking nagagamit nang ayos ang pondo.
Kinakailan lamang din aniyang maging tapat angga opisyal sa pagpapatupad nito.
Matapos ang oral arguments kahapon, inatasan naman ng Kataas-taasang Hukuman ang gobyerno bilang respondents na kumpletuhin ang lahat ng hinihinging dokumento sa loob ng 15 araw.
Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, aaksyunan ito ng korte sa sariling timeline at tatalakayin pa rin ng kongreso ang panukalang 2027 national budget makapagsumite man o hindi ang respondents sa mga hinihingi ng hukuman.









