Hindi obligasyon ng Senate Impeachment Court na sagutin ang gastos sa pagkain ng kampo ng depensa at prosekusyon habang isinasagawa ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang iginiit ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon kasunod ng hiling ng Office of the Vice President (OVP) na sagutin ng Senado ang catering service para sa defense team, support staff, at mga testigo nito.

Ayon kay Ridon, may nakalaang pondo ang OVP at ang House of Representatives na maaari nilang gamitin para sa gastusin sa panahon ng paglilitis, kaya hindi na kinakailangang akuin pa ito ng Senado.

Nagbabala rin ang House prosecutor na ang kahilingan ng OVP ay maaaring magbukas ng usapin sa procurement at posibleng magdulot ng procurement case laban sa Senado.