
Nanawagan si Senadora Imee Marcos sa pamahalaan na agad ipatupad ang government-to-government (G2G) oil procurement upang mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa senador, mas makabubuti kung direktang bibili ang gobyerno ng langis mula sa mga bansang supplier at ibebenta ito sa kontroladong presyo para makatulong sa mga tsuper, magsasaka, at mangingisda.
Giit niya, mabagal umano ang tugon ng administrasyon sa krisis na dulot ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na patuloy na nagpapataas ng presyo ng langis.
Kinuwestiyon din ni Marcos kung bakit hindi umano nasamantala ng gobyerno ang pagkakataon na makipagkasundo sa Russia sa panahon ng sanctions waiver. Aniya, kung nagagawa ito ng pribadong kumpanya tulad ng Petron Corporation, dapat kaya rin itong gawin ng pamahalaan.
Binalikan din niya ang karanasan ng bansa noong dekada 1970 kung saan direktang umangkat ng langis ang gobyerno mula sa ibang bansa para maibsan ang epekto ng oil crisis.
Dagdag pa niya, may ilang bansa sa Asya tulad ng Indonesia, Sri Lanka, Vietnam, Thailand, at Malaysia na aktibong kumikilos upang masiguro ang kanilang suplay ng langis sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan sa mga oil-exporting countries.
Iminungkahi rin ng senador na palawakin ng Pilipinas ang pinanggagalingan ng langis at direktang makipag-ugnayan sa mga kalapit na producer tulad ng Brunei at Malaysia, sa halip na umasa sa mga middleman o refining hubs gaya ng Singapore, South Korea, at China.
Binigyang-diin ni Marcos na ang krisis sa langis ay may direktang epekto sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino kaya kailangan ng agarang at konkretong aksyon mula sa pamahalaan.




