Mariing binatikos ng Kabataan Party-list at iba’t ibang organisasyon ng kabataan nitong Linggo ang mga naging pahayag ni Senador Robin Padilla matapos nitong maliitin ang isyu ng depresyon at tawaging “weak” ang kasalukuyang henerasyon.

Ayon sa grupo, ang mga komento ng senador ay “irresponsable at unscientific,” lalo na’t ang tumataas na bilang ng mga kaso ng mental health sa hanay ng mga kabataan ay isang seryosong usaping pampubliko na dapat tugunan.

Nag-ugat ang batikos sa naging pahayag ni Padilla sa pagdinig ng Senado ukol sa Children’s Safety in Social Media Act noong Miyerkules, kung saan sinabi niyang hindi uso ang salitang “depresyon” noong kanyang kapanahunan.

Bagaman binanggit ng senador ang ulat ni Senador Raffy Tulfo na hindi bababa sa pitong estudyante ang nagpakamatay dahil sa cyberbullying, iginiit pa rin niya ang bansag na mahina sa mga kabataan ngayon.

Sa isang pahayag na nilagdaan ng mahigit 30 organisasyon, kabilang ang mga student council at mental health advocates, binigyang-diin nila na ang mga datos na ito ay patunay na nangangailangan ng agarang polisiya at hindi dapat ituring na kahinaan lamang ng karakter.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa grupo, ang mga salita ng senador ay nagpapalalim lamang sa maling akala at diskriminasyon laban sa mga nakararanas ng mental health struggles, na nagiging hadlang upang ang mga ito ay humingi ng tulong sa kanilang pamilya at komunidad.

Dahil dito, nanawagan ang mga grupo sa administrasyon na kilalanin ang umiiral na mental health crisis sa bansa.

Hinimok din nila ang Mababang Kapulungan na ipasa ang House Resolution No. 559 upang imbestigahan ang mga kakulangan ng Mental Health Act.

Kasabay nito, hiningi rin ng mga organisasyon ang mas mataas na pondo para sa de-kalidad na serbisyo sa mental health at mas malawak na edukasyon tungkol sa isyung ito para sa lahat.