
Iginiit ng Malacañang na matagal nang may mahigpit na paninindigan ang Pilipinas laban sa forced labor at mahigpit ding ipinatutupad ang mga batas kaugnay nito.
Ito ang tugon ng Palasyo sa panukala ng United States Trade Representative o USTR na magpataw ng karagdagang 12.5% taripa sa ilang produktong Pinoy dahil umano sa usapin ng forced labor.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, seryosong tinutugunan ng pamahalaan ang usapin at kasalukuyan nang sinusuri ang ulat ng USTR.
Sinabi rin ng opisyal na makikipag-ugnayan ang gobyerno sa mga opisyal ng Estados Unidos upang maipakita na hindi lumalabag ang Pilipinas sa mga batas at pamantayang may kaugnayan sa forced labor.
Pinag-aaralan na rin daw ng pamahalaan ang mga susunod na hakbang, kabilang ang posibilidad na magpadala ng kinatawan sa Estados Unidos para talakayin ang usapin.










