Wala pang pinag-uusapan sa Malacañang na posibleng ipalit kay Vice President Sara Duterte sakaling ma-convict ito sa nagpapatuloy na impeachment trial, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.

Ito ay kasunod ng mga kumakalat na ulat na posibleng italaga si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III bilang kapalit ni Duterte.

Ayon kay Castro, wala pang desisyon ang impeachment court at kailangan pang maiharap ng depensa ang kanilang mga ebidensiya kaya hindi nararapat na manghula sa magiging resulta ng paglilitis.

Sa ilalim ng Konstitusyon, kung mabakante ang posisyon ng Bise Presidente, magmumungkahi ang Pangulo ng kapalit mula sa mga miyembro ng Senado o House of Representatives, na kailangang kumpirmahin ng mayorya ng mga miyembro ng dalawang kapulungan na magkakahiwalay na boboto.