Tiniyak ng Malacañang na may sapat na kakayahan ang pamahalaan na tugunan at bayaran sa tamang panahon ang utang ng bansa na pumapalo na sa higit 19 trillion pesos.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, karamihan daw sa mga utang ng bansa ay may long-term repayment period.

Dahil dito, hindi raw kailangang bayaran agad nang buo ang pambansang utang, kundi unti-unting binabayaran sa tamang panahon ang principal at interest.

Giit ng Palasyo, sapat ang kasalukuyang kita ng gobyerno para matugunan ang mga obligasyong ito nang hindi naaantala.

Upang mas patatagin pa ang ekonomiya, isinusulong ng administrasyong Marcos ang panukalang Promoting Growth, Revenue, and Equity towards Socio-Economic Sustainability o ProGRESS Bill.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ng Department of Budget and Management o DBM, layunin ng ProGRESS Bill na magbigay ng tax relief sa mamamayan habang pinatataas ang revenue capacity ng gobyerno para sa mga serbisyo publiko at pangmatagalang proyekto sa bansa.