
Hanggang ngayon ay hindi pa rin matanggap ng pamilya ang pagpatay sa kanilang kaanak na si Michael Orlanes Antonio ng Barangay Baculud, Amulung, Cagayan kamakailan.
Sinabi nina Rina May Antonio, anak ng biktima at Dina Duran, kapatid ng biktima, bagamat nakakulong na ang mga akusado, ramdam pa rin nila ang sakit ng mawalan ng mahal sa buhay.
Ayon sa kanila, na hindi rin nila alam kung ano ang tunay na dahilan ng pagpatay sa biktima.
Sinabi nila na kalunos-lunos ang sinapit ng biktima sa tinamo nitong dalawang saksak sa tiyan at isa sa tagiliran, at may sugat sa kanyang ulo dahil hinampas siya ng bote ng alak.
Hinagpis pa nila ay wala umanong tumulong sa mga nakakita sa pangyayari maging ang ilang kagawad na naroon sa lugar, na dinala sana agad siya sa ospital.
Kaugnay nito, nakakulong ang barangay kapitan ng Baculud na si Crispino Antonio Malamug kasama ang kanyang pamangkin, kaugnay sa nasabing insidente.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen noong Abril 12, 2026 sa isang kasalan sa nasabing barangay.
Sa paunang imbestigasyon, sinasabing nauwi sa mainitang pagtatalo ang inuman ng biktima at ng mga suspek, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa isyu ng mga proyekto sa barangay.
Batay sa salaysay ng mga saksi, unang sinuntok sa dibdib ng kapitan ang biktima bago ito pinalo ng bote ng alak.
Sa kabila ng pag-atras ng biktima upang umiwas, hinabol umano ito at sinaksak sa dibdib gamit ang basag na bote.
Kasunod nito, sinaksak din ng pamangkin ang biktima sa bahagi ng sikmura.
Nagawa pang makalakad ng biktima upang humingi ng tulong, subalit kalaunan ay natagpuan itong wala nang buhay malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Agad namang rumesponde ang pulisya matapos ireport ng isang residente ang pangyayari.
Naaresto ang pamangkin sa isinagawang follow-up operation, habang isinuko naman ang kapitan ng kanyang kamag-anak na isang lokal na opisyal matapos ang manhunt.
Kapwa nahaharap sa kasong murder ang dalawang suspek, na inakyat mula sa homicide, kaya’t hindi na sila maaaring makapagpiyansa.









