Iginiit ni Senator Erwin Tulfo na tila napabayaan ng Atienza Interisland Shipping Lines ang mga pamilya ng mga nasawi at nakaligtas sa sunog ng MV June Aster na ikinasawi ng hindi bababa sa 77 katao.

Sa plenary session ng Senado, sinabi ni Tulfo na mismong mga survivor at kanilang pamilya ang nakausap nila at reklamo umano ng mga ito ang kawalan ng sapat na tulong mula sa shipping company.

Ayon kay Tulfo, may mga survivor umanong nakatanggap lamang ng maliit na halaga na hindi man lang sapat para sa kanilang pamasahe pauwi.

Kinuwestyon din ng senador ang umano’y kakulangan ng emergency equipment sa barko, kabilang ang mga flashlight, gayundin ang pagsunod sa safety protocols at tamang deklarasyon ng mga kargamento.

Duda rin si Tulfo sa accuracy ng ship manifest na maaaring makaapekto sa pagtukoy sa aktuwal na bilang ng mga nawawala.

-- ADVERTISEMENT --

Giit niya, hindi lamang dapat imbestigahan kung paano nagsimula ang sunog, kundi dapat ding matukoy kung may kapabayaan na naging dahilan ng pagkamatay ng mga pasahero.

Samantala, sinabi ni Tulfo na kailangang palakasin ang safety policies, kabilang ang digitalization ng passenger records at pag-update ng mga safety protocol.

Wala pang pahayag ang Atienza Shipping Lines sa mga alegasyon ni Tulfo.