Posibleng nagmula sa paghahalo ng chlorine at asphalt ang sunog sa pampasaherong barkong MV June Aster na ikinasawi ng 77 katao noong Setyembre 9 sa karagatan ng Coron, Palawan, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon kay BFP officer in charge Wilberto Rico Neil Kwan Tiu, natumba at kumalat sa likurang bahagi ng barko ang dalawang materyales matapos salubungin ng malalakas na alon.

Posible rin umanong nakadagdag sa pagkalat ng apoy ang sirang ventilation system na nagbuga ng mainit na hangin.

Mahigit 60 katao ang nasugatan sa insidente, at posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang may-ari at operator ng barko, gayundin sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang mga opisyal na mapatutunayang nagpabaya.