Pansamantalang hindi isinapubliko ng Professional Regulation Commission (PRC) ang pagkakakilanlan ng nakakuha ng unang puwesto o Top 1 sa katatapos lamang na March 2026 Physicians Licensure Examination.

Sa inilabas na abiso ng komisyon, ang hakbang na pigilin ang pangalan ng nanguna sa nasabing pagsusulit ay upang magbigay-daan sa masusing proseso ng karagdagang beripikasyon.

Bukod sa Top 1, kinumpirma rin ng PRC na naka-hold o pansamantalang pinigil ang opisyal na resulta ng lima pang examinees.

Ayon sa ahensya, ang resulta ng limang indibidwal ay mananatiling hindi ilalabas habang hinihintay pa ang pinal na determinasyon hinggil sa kanilang mga liabilities sa ilalim ng mga umiiral na panuntunan at regulasyon na sumasaklaw sa mga licensure examinations.

Samantala, sa kabila ng isyu sa mga pinigil na resulta, matagumpay namang naipasa ng mayorya ang nasabing pagsusulit para sa mga doktor.

-- ADVERTISEMENT --

Naitala sa 70.26% ang pangkalahatang pumasa sa pagsusulit. Base sa opisyal na tala, umabot sa 1,954 na mga indibidwal ang nakapasa mula sa kabuuang 2,781 na kumuha ng eksaminasyon ngayong buwan ng Marso 2026.

Patuloy namang inaabangan ang susunod na hakbang ng ahensya kung kailan isasapubliko ang kumpletong pagkakakilanlan ng mga naantalang resulta.