
Isang bagong pag-aaral ang nagsasabing mas tumataas na ang panganib ng matinding pag-ulan sa Pilipinas at iba pang bahagi ng Southeast Asia dahil sa patuloy na pagbabago ng klima.
Ayon sa research na “Unseen but Increasing: Recent Changes in Risk of Extreme Precipitation over Southern Africa and Southeast Asia,” ginamit ng mga siyentipiko ang mga climate model upang suriin ang mga extreme rainfall mula 1981 hanggang 2024.
Lumalabas sa pag-aaral na tumaas na ang posibilidad ng malalakas na pag-ulan sa rehiyon, lalo na tuwing tag-ulan. Sa ilang lugar, kabilang ang malalaking lungsod sa Southeast Asia at Africa na maaaring nadoble pa ang risk ng matinding ulan sa ilang buwan.
Partikular sa Pilipinas kung saan nakita sa pag-aaral na sa southern Philippines, pinakamataas ang pagtaas ng risk mula Hunyo hanggang Nobyembre habang sa northern Philippines, mula Nobyembre hanggang Mayo, at sa central Philippines, mas mataas ang risk tuwing Agosto hanggang Oktubre, kasabay ng peak ng bagyo
Ayon pa sa mga mananaliksik, ang Metro Manila ay dating tinatayang nakararanas ng “once in 100 years” na extreme rainfall, pero maaari na itong maging mas madalas.
Ipinakita rin sa projection na patuloy pang tataas ang risk ng extreme rainfall sa susunod na dalawang dekada.
Tinukoy ng pag-aaral ang Pilipinas bilang isa sa mga lugar na tinatawag na “sitting ducks,” o mga bansang mataas ang exposure sa matitinding pag-ulan kahit hindi pa nakakaranas ng pinakamatitinding record-breaking events kamakailan.




